Pagsisilbi ng Warrant of Arrest, Nauwi sa Engkwentro; CTG Member Patay

Cauayan City, Isabela- Dead on arrival sa pagamutan ang isang miyembro ng Communist Terrorist Group matapos mauwi sa palitan ng putok ng baril ang pagsisilbi sa kanya ng Warrant of Arrest bandang 10:00 kaninang umaga sa Purok 7, Brgy. Palacian, San Agustin, Isabela.

Magkatuwang na isinilbi ng mga tauhan ng 86th Infantry Battalion, PA, Tracker Team, 205th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 at San Agustin Police Station ang mandamiento de aresto laban kay Renato Busania alyas Andong, PSR L6, Regional Military Staff Member, ROC, Kilusang Rehiyon- Cagayan Valley.

Matatandaang ipinag-utos ni hukom Bonifacio T. Ong ng RTC Br. 24 Second Judicial Region, Echague, Isabela ang pag-aresto sa akusado para sa kasong Double Murder at isa pang warrant of arrest na ipinalabas naman ni hukom Ester Flor ng RTC Br. 38 Second Judicial Region, Maddela, Quirino para sa kaparehong kaso at may petsang Nobyembre 4 ,2019 subalit nagresulta ito ng engkwentro sa pagitan ni alyas ‘Andong’ at mga awtoridad.


Nagtamo ng tama ng bala ng baril ang miyembro ng CTG matapos nitong tangkain na tumakas at paputukan ang mga awtoridad na magsisilbi ng warrant of arrest.

Narekober naman sa direktang pag-iingat nito ang isang caliber 45 at explosive grenade.

Samantala, pinuri naman ni Provincial Director PCol. James Cipriano ang mga pwersa ng awtoridad na nagsagawa ng operasyon at kanyang iginiit na hindi titigil ang kapulisan sa pagtugis sa mga takas sa kanilang lugar.

Facebook Comments