Pagsuko ng Agtang NPA, Dapat Tularan ng Natitira pang Rebelde-LTC Ali Alejo

Cauayan City, Isabela- Hinihikayat ng hanay ng 86th Infantry Battalion ang mga natitira pang kasapi ng New People’s Army (NPA) na magbalik-loob na sa gobyerno sa lalong madaling panahon.

Kasunod ito ng pagsuko sa nasabing yunit at sa kapulisan ng isang Agtang rebelde na kinilalang si alyas ‘Popoy’ na sapilitan umanong nirekrut noong Oktubre 2020 sa barangay San Dionisio, Maddela, Quirino.

Inihayag naman ni LTC Ali Alejo na sana’y tularan ng mga nalalabi pang rebelde ang ginawang pagsuko ni alyas Popoy upang makaalis na sa hirap na pamumuhay sa loob ng kilusan.


Ibinahagi rin kasi ng sumukong rebelde na mayroon itong naiwang ka-tribo na ginagawa lamang na utusan at taga buhat ng kanilang mga mabibigat ng gamit.

Sinabi pa ni LTC Alejo na may mga nakahandang tulong mula sa gobyerno para sa mga susukong NPA na gustong magbagong buhay kasama ang mga pamilya.

Si alyas ‘Popoy’ ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng 86th IB para sa kaukulang interbensyon at pag-proseso sa kanyang matatanggap na tulong sa ilalim ng Enhanced Community Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno.

Facebook Comments