Pagsuko ng Milisyang Bayan at 2 Supporter ng NPA, Pinuri ng Pinuno ng 5ID

Cauayan City, Isabela- Pinuri ni MGen Pablo Lorenzo, pinuno ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang boluntaryong pagsuko ng isang milisya ng bayan at dalawang (2) supporter ng New People’s Army (NPA) sa tulong ng militar at kapulisan.

Ang pagsuko ng isang miyembro ng Milisya ng Bayan (MB) na itinago sa pangalang alyas Kaloy, na naatasang Sekretarya ng CPP Local Party Branch at sina alyas Tomas at alyas Heroy na tagasuporta ng Komunistang NPA sa Bayan ng Benito Soliven at San Mariano, Isabela ay dahil na rin sa patuloy na pagpapatupad sa Executive Order no.70 o Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC) sa Lambak ng Cagayan.

Isinuko rin ng mga ito ang kanilang dala-dalang armas na tatlong matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng isang US M1 Carbine na may isang magazine at limang bala, isang (1) M653 rifle, at isang (1) M16 rifle.


Ayon sa mga nagbalik loob, ang mga dala nilang mga baril ay ipinagkatiwala sa kanila ng mga miyembro ng Regional Sentro De Grabidad, Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (RSDG-KR-CV).

Hinikayat naman ng pinuno ng 5th ID ang mga natitira pang mga kasapi ng NPA sa Cagayan Valley at Cordillera na yakapin ang tunay na kapayapaan.

Sinabi rin nito na ang mga benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno para sa bawat rebeldeng nagbalik-loob ay agad na iproseso na magsisilbing panimula ng mga ito sa pagbabagong buhay kasama ang pamilya.

Facebook Comments