Pagsuspinde kay BuCor Chief Bantag, makakatulong sa imbestigasyon ng PNP

Malaking tulong ang pagkakasuspinde kay Bureau of Corrections (BuCor) Director Gerald Bantag sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang mastermind sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang hakbang ay magbibigay ng leeway sa mga otoridad dahil kailangan din ng PNP na mag-imbestiga sa New Bilibid Prisons (NBP) at makipag-usap sa mga posibleng nakasalamuha ng namatay na middleman na si Jun Globa Villamor.

Kasabay nito, nagpasalamat si Gen. Azurin sa Department of Justice (DOJ) at sa bagong Bureau of Corrections (BuCor) Director na si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Gregorio Catapang dahil sa mabilis na pagtugon sa hiling ng PNP na mapunta sa kanilang kustodiya ang isa pang NBP inmate na person of interest din sa kaso.


Ang tinutukoy ni Gen. Azurin ay si Jose Palana Villamor, ang pinsan ng nasawing middleman na ngayon ay nasa ilalim na ng police-protection sa PNP Custodial Center.

Ayon kay Azurin, nakapagbigay na ng impormasyon sa mga pulis si Jose Villamor at kanila nang hinihimay ang mga detalye at pinagtatagpi-tagpi ang mga isinalaysay nito upang matukoy ang totoong mastermind sa Percy Lapid slay case.

Matatandaang kahapon, sinabi ni PNP Chief Azurin na kasama sa 160 persons of interest si Gen. Bantag dahil isa ito sa mga binanatan ni Lapid sa kanyang programa sa radyo.

Facebook Comments