Karagdagang ebidensya sa Percy Lapid case, isusumite ng PNP sa susunod na linggo

Isusumite ng Philippine National Police (PNP) ang mga karagdagang impormasyon hinggil sa kaso ng pagpatay kay Percy Lapid sa sunod na preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa November 4.

Ayon kay Atty. Berteni Causing, tagapagsalita ng pamilya Mabasa, nangako ang PNP na maisusumite na nila ang statement of accounts galing sa bangko gayundin ang report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang malaman kung sinu-sino ang naghulog ng pera sa bank account ng gunman na si Joel Escorial.

Inaasahang maisusumite rin ng PNP sa susunod na linggo ang kumpletong report ng isinagawang digital examination sa mga cellphone ng mga indibidwal na pinangalanan ni Escorial.


Matatandaang sa preliminary investigation kahapon ng DOJ, iniulat ng PNP na nag-tugma sa kanilang ballistic examination ang isinukong baril ng gunman.

Samantala, dumating na sa opisina ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ang mga labi ng nasawing middleman na si Jun Villamor para muling isalang sa autopsy.

Facebook Comments