Pagsuspinde ng ayuda dahil sa COMELEC election ban, maaaring kuwestiyunin ng Senado 

Naniniwala si presidential candidate at Senador Panfilo “Ping” Lacson na maaaring kuwestiyunin ng Senado sa pamamagitan ng oversight committee ang Commission on Elections (COMELEC) kung ano ang naging basehan sa ipinaiiral na election ban kung bakit pinasususpinde ang pamamahagi ng ayuda sa mga PUV driver at operators dahil sa patuloy na pagtaas ng langis at presyo ng bilihin.

Ayon kay Lacson, hindi kasama ang national government sa election ban sa pamamahagi ng ayuda para sa mga PUV driver at operators at pamamahagi ng mga social services dahil nagugutom at gipit na ang mga benepisyaryo nito.

Nangangamba si Lacson na posibleng mapilayan dito ang transport sectors at ang mga pasahero na naman ang magsasakripisyo sa pagtaas ng pamasahe.


Matatandaan na una nang umapela ang Department of Transportation (DOTr) sa COMELEC na bilisan ang desisyon nito sa apela nilang para mabigyan ng exemption upang maipagpatuloy na ang pamamahagi ng ayuda sa mga tsuper.

Matagal nang hinihintay ng mga PUV driver at operator ang ayuda na pinondohan sa ilalim ng taunang budget para sandigan ng taumbayan sa panahon ng pangangailangan.

Facebook Comments