Pinapasuspinde ng Makabayan Bloc ang pag-angkat ng sibuyas na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na siya ring tumatayong kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ang naturang hiling ay nakapaloob sa House Joint Resolution 18 na inihain nina Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, ACT teachers Partylist Representative France Castro at Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel.
Hindi kumbinsido ang Makabayan Bloc na ang importasyon ng sibuyas ay magpapababa sa presyo nito sa bansa.
Diin pa ng grupo, tiyak na papatayin nito ang kabuhayan ng mahihirap na magsasaka dahil ang pagdating ng mga imported onions ay kasabay ng anihan ng sibuyas.
Iginiit sa resolusyon na ang tumataas na presyo ng sibuyas sa merkado ay hindi dahil kapos ang suplay nito, kundi resulta ito ng matagal ng isyu ng pagmanipula sa presyo, labis na pagpapataw ng tubo o taas presyo at umano’y hoarding ng onion cartels at malalaking negosyante.