Wednesday, April 8, 2026

Pagsuspindi sa excise tax, pinatitiyak ng isang senador na maipatutupad ng maayos

Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa pamahalaan na tiyakin ang napapanahon at epektibong implementasyon ng batas na nagsususpindi sa excise tax sa petrolyo.

Kaugnay na rin ito sa naitalang 4.1% na inflation rate sa buwan ng Marso na aniya’y mabigat ang epekto sa pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat Pilipino.

Iginiit ni Villanueva na dapat masiguro ang agad na pagpapatupad sa suspensyon ng excise tax sa langis upang mabigyan ng ginhawa ang mga kababayan.

Hindi aniya sapat ang tingi-tinging solusyon sa krisis at nangangailangan na ng holistic at unified approach para epektibong maibsan ang impact ng inflation sa bawat tahanan.

Hinimok ng mambabatas ang mga economic managers na magkaisa at magkaroon ng “shared sense of urgency” lalo’t malinaw na ipinapakita sa datos na lubhang nahihirapan na ang mga pamilyang Pilipino.

Pinatitiyak ni Villanueva sa pamahalaan ang patuloy na pagusad ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapanatili ng trabaho at pagsuporta sa mga maliliit na negosyo.

Facebook Comments