Pagsusulong sa federalism, itutuloy ng PDP-Laban

Manila, Philippines – Magpapatuloy ang pagsusulong ng PDP-Laban sa panukalang federalism kahit inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na maliit na ang tsansa na ito ay maisakatuparan.

Ayon kay PDP-Laban President Senator Koko Pimentel, patuloy nilang ipapaalam sa taongbayan ang impormasyon ukol sa federalism at mga benepisyo nito.

Sabi ni Pimentel, suportado din ng partido ang hangarin ni Pangulong Duterte na maamyendahan ang konstitusyon.


Paliwanag ni Pimentel, nais nila ang charter change para mapalitan ang porma ng gobyerno patungong federalism.

Kung hindi aniya ito mangyayari ay bukas din sila Parliamentary Form of Government.

Dagdag pa ni Pimentel, okay din sila sa cha-cha na naglalayong ipasakamay ng Kongreso ang pag-ayos sa nationality requirements at iba pang aspeto ng ekonomiya.

Pero diin ni Pimentel, dapat matiyak na mananatiling para lamang sa Pilipino ang pagmamay-ari ng alinmang lupain sa bansa.

Facebook Comments