Pinirmahan na ngayon ni Mayor Isko Moreno ang isang ordinansa na nag-aatas ng pagsusuot ng face mask sa lahat ng pampublikong lugar sa Lungsod ng Maynila.
Ito’y bilang parte ng ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan na CODE COVID-19 o Contain and Delay upang mapigilan ang paglaganap ng sakit.
Sa ilalim ng Ordinance No. 8627, sinabi ni Yorme na lahat ng indibidwal na nasa territorial jurisdiction ng Lungsod ng Maynila ay kinakailangan nakasuot ng face mask anumang oras.
Sakaling walang face mask o surgical mask, maaaring gumamit na lamang ng panyo, ear-loop masks, indigenous mask, cloth o reusable masks, do-it-yourself (DIY) masks at iba pang protective equipment upang malimitahan ang pagkalat ng COVID-19.
Ang sinumang residente na lalabag sa nasabing ordinansa ay pagmumultahin ng P1,000 sa first offense, P2,000 para sa second offense habang sa third offense naman ay nasa P5,000 o pagkakakulong ng hanggang isang buwan o kaya ay parehong parusa depende sa desisyon ng korte.