Cauayan City, Isabela- Iginiit ng pamunuan ng Isabela I Electric Cooperative (ISELCO I) na walang nangyaring pandaraya sa pag-compute ng bayarin sa kuryente ng mga member consumer owners nito.
Ito’y matapos ulanan ng reklamo ng ilang member consumers ang ISELCO I dahil sa napakataas na bill sa kuryente simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Congressman Presley De Jesus ng PHILRECA Partylist at Presidente ng ISELCO I, ipinaliwanag nito na karamihan sa electric bill ng mga member consumer owners ay tumaas dahil na rin sa lockdown na halos lahat ay nasa tahanan lamang at dahil na rin sa mataas na demand ng kuryente ngayong panahon ng tag-init.
‘Average billing’ din aniya ang kanilang ginawa para makuha ang electric bill ng bawat consumer kung saan naipon ang bayarin mula noong buwan ng Marso hanggang Abril dahil wala aniyang lumabas sa kanyang mga kawani para magreading sa panahon na umiiral ang ECQ.
Ayon pa kay Ginoong De Jesus, mayroong inilaang apat (4) na buwan simula sa buwan ng Marso para makapagbayad ang isang member consumer at habang nasa panahon ng ibinigay na palugit ay walang puputulan ng kuryente o walang papatawan ng penalty.
Kung meron man aniyang problema ay lumapit o makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan upang matugunan at maresolba agad ito.
Kinakailangan lamang aniya na sumunod sa mga patakaran sa kanilang tanggapan bilang pagsunod sa mga protocols upang makaiwas sa sakit na COVID-19.
Samantala, ibinahagi din ni Ginoong De Jesus na sa ilalim ng kanilang Pantawid Liwanag Program ay mayroong 68, 500 member consumer owners o marginalized household na kumokonsumo ng 29 Kilowatt hour pababa ang kanilang natulungan at nailibre sa electric bill sa buwan lamang ng Abril.