Pagtaas ng birth rate ngayong may pandemya, dahil umano sa kapalpakang ipatupad ang RH Law

Isinisisi ni Albay Representative Edcel Lagman sa palpak na implementasyon ng Reproductive Health o RH Law ang pagtaas ng birth rate sa bansa.

Ayon kay Lagman, principal author ng RH Law sa Kamara, ang lumolobong bilang ng mga pinapanganak ngayong taon dulot ng lockdown ay dahil din sa kabiguan ng Duterte administration na ibigay ang nararapat na family planning services at access sa contraceptives sa gitna ng health emergency.

Tinukoy ni Lagman ang pagtaya ng Commission on Population (PopCom) ngayong may pandemya, kung saan sa inaasahang 1.7 million na mga sanggol na maipapanganak ngayong taon ay madadagdagan pa ito ng 214,000 na newborn babies.


Ang mga dagdag na sanggol na maipapanganak ay magreresulta sa milyong pisong gagastusin ng pamahalaan para sa prenatal at post-partum heath care services para sa mga ina at mga sanggol.

Mangangahulugan din aniya ito ng dagdag na pondo para sa socio-economic services bunsod ng pagtaas ng populasyon.

Ipinunto pa ni Lagman na ang ibang mga bansa na patuloy pa rin ang paghahatid ng reproductive health services kahit may COVID-19 pandemic ay wala namang spike o biglang pagtaas sa mga nabubuntis at birth rates.

Facebook Comments