Naaalarma si Deputy Speaker Camille Villar sa pagtaas ng kaso ng mga pang-aabuso sa mga kababaihan at mga kabataan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Bunsod nito ay naghain ang Las Piñas Representative ng resolusyon para imbestigahan ang biglang pagtaas sa kaso ng gender-based violence kasabay ng panawagan na agarang paglalatag ng mga hakbang para sa dagdag na proteksyon sa mga kababaihan at mga kabataan.
Sa House Resolution 1581, inaatasan ang Committees on Women and Gender Equality at Welfare of Children na busisiin ang pagtaas ng kaso ng mga pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan sa gitna ng health crisis.
Giit ni Villar, mahalagang matalakay ngayon ang problema lalo pa’t ang mga naitalang pagtaas ng kaso ng violence at sexual exploitation ay nangyari sa loob ng mga tahanan bunsod na rin ng implementasyon ng community quarantine.
Tinukoy pa sa resolusyon na maaaring nakaapekto ang limitasyon sa mobility at public transportation kaya nahirapan ang mga biktima na i-report sa mga otoridad ang mga pang-aabuso.
Sa tala ng Philippine Commission on Women ay umabot na sa 13,923 cases ang mga ulat ng kaso ng Violence Against Women and Children (VAWC) mula noong March 15, 2020 na simula ng lockdown hanggang November 30, 2020.
Sa mahigit na 13,000 kasong naitala, 4,747 ay mga kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan.