Magsasagawa ang House Committee on the Welfare of Children ng imbestigasyon kaugnay sa tumataas na kaso ng Online Sexual Exploitation of Children (OSEC) sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Naalarma si Tingog Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, Chairman ng komite, sa paglala ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan kasabay ng kawalan ng hanapbuhay, pananatili sa mga tahanan at pagtaas ng mga aktibidad sa online ng mga kabataan sa gitna ng health crisis.
Giit ni Romualdez, kailangan na masilip ang mga polisiyang ipinapatupad at i-review ang mga umiiral na batas upang makasabay at maagapan ang mga pang-aabuso sa mga kabataan gamit ang digital technology.
Tinitiyak sa imbestigasyon ang agad na pagpaparusa sa mga sangkot sa child abuse gamit ang online at pagtiyak na mapapanagot din at mapapasunod sa batas ang mga internet service providers, social media at iba pang online platforms.
Susukatin din sa pagsisiyasat ang kapasidad ng mga otoridad sa pag-responde sa mga ganitong uri ng kaso at pagsusulong sa mas pinalakas na social protection program na magbibigay kapangyarihan sa mga biktima at witnesses na isangguni agad sa mga law enforcers ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan.
Sa tala ng Cybercrime Office sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), nakatanggap sila ng 279,166 cyber tips mula March hanggang May 2020, mas mataas ito ng 264.63% kumpara sa 76,561 noong 2019 sa kaparehong mga buwan.