Pagtaas ng presyo ng itlog, may kaugnayan sa smuggling ng frozen chicken meat

Ang smuggling ng frozen chicken meat ang nakikitang pangunahing dahilan ni House Ways and Means Committee Chair at Albay 2nd district Representative Joey Salceda sa pagtaas sa presyo ng itlog.

Paliwanag ni Salceda, umuunti ang suplay ng itlog bunga ng lumiliit na populasyon ng manok sa bansa dahil sa pagpupuslit ng karne ng manok.

Sabi ni Salceda bagama’t mababa ang farmgate price ng itlog ay inaabuso naman ng mga negosyante at cartel ang kakulangan sa suplay nito para maitaas ang presyo sa merkado.


Pahayag ito ni Salceda, makaraang banggitin ni Philippine Egg Board President Irwan Ambal na nagkaroon ng 20% na pagbaba sa populasyon ng nangingitlog na manok dahil sa avian flu outbreak habang nagsasara naman ang ilang poultry farms dahil sa talamak na iligal na chicken importation.

Kaugnay nito ay ibinabala ni Salceda na ang mataas na presyo ng itlog ay maaaring maka apekto sa malnutrisyon lalo’t ang itlog ang pinakamurang pinagkukunan ng protein para sa mga Pilipino.

Bunsod nito ay iminungkahi ni Salceda ang pagbibigay ng feed subsidy sa poultry sector mula sa taripang ipinapataw sa imported na mais na tinatayang aabot sa P1.9 billion.

Facebook Comments