Manila, Philippines – Welcome sa Palasyo ng Malacañang ang pag-akyat ng Pilipinas sa records ng Transparency International Corruption Perceptions Index kung saan ay nasa ika-99 na puwesto ang bansa mula sa ika-111 noong nakaraang taon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, isa itong matibay na patunay na nagbubunga na ang mga ginagawang hakbang ng Pamahalaan sa paglaban sa katiwalian sa gobyerno.
Sinabi ni Panelo na ito ay resulta ng leadership by example kung saan ay si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nagtitiyak na nagpapatuloy ang paglaban sa katiwalian na tiyak din aniyang magreresulta ng mas magandang ranking ng Pilipinas sa mga susunod pang taon.
Pero binigyang diin ni Panelo na hindi habol ng Pamahalaan na mapaganda lang ang ranking ng Pilipinas sa Transparency International Corruption Perceptions Index kundi maramdaman talaga ng bawat Pilipino na nabawasan ang katiwalian at unti-unting mabura ang kulturang ito sa Pamahalaan.