Lalaking Nagwala sa Echague, Isabela, Mahaharap sa Patung-patong na Kaso!

*Echague,Isabela**-* Mahaharap sa patung-patong na kaso ang isang laborer matapos magwala at masamsaman ng ipinagbabawal na gamot pasado alas syete kagabi sa Brgy. Buselelao, Echague,Isabela.

Nakilala ang suspek na si Arjay Peralta, 22 anyos, binata at residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, nirespondehan ng mga kasapi ng PNP Echague ang isang sumbong hinggil sa pagwawala ng suspek sa naturang barangay.


Dito naaktuhan ng mga rumespondeng pulis ang pagbabasag ng suspek sa kanilang mga gamit at appliances habang nakikipagtalo sa kanyang live-in partner.

Sinubukang awatin ng mga pulis ang suspek subalit nagmatigas ito na nagresulta sa kanyang pagkakahuli.

Habang kinakapkapan ang suspek ay nakuhanan ito ng isang sachet na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na nakaipit sa garter ng kanyang short pants.

Nasa kustodiya na ng PNP Echague ang suspek na mahaharap sa kasong Paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC), paglabag sa RA 9165 at Alarm and Scandal.

Facebook Comments