Pagtaas pa lalo sa singil sa utilities, dapat paghandaan ayon sa isang kongresista; subsidiya para sa mahihirap at middle-income households, hiniling sa Kamara

Pinaghahanda ngayon ng Kamara ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at ang mga consumer sa posibleng pagtaas pa lalo sa singil sa mga utility.

Ito ay dahil sa paglakas na rin ng US dollar kontra piso na kamakailan lang ay pumalo sa ₱55 ang kada isang dolyar.

Ayon kay Deputy Speaker Bernadette Herrera, asahan na ang pagtaas sa singil sa kuryente, tubig at telecom rates bunsod ng dagdag na ‘foreign adjustment costs’.


Dahil dito ay pinakikilos ng kongresista ang pamahalaan na siguruhing walang magiging pagtaas sa presyo ng pagkain at utilities.

Pinatitiyak ng lady solon na may sapat na suplay ng bigas, trigo, asukal at mais ang bansa upang matapatan ang kunsumo ng bawat tahanan gayundin sa produksyon ng mga animal feed maker at livestock raisers.

Hinimok din ng mambabatas Energy Regulatory Commission (ERC), Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at mga water regulatory agency na desisyunan na ang mga nakabinbing petisyon at mga kaso kaugnay sa refunds at rebates sa mga consumer.

Hiniling din ni Herrera na bigyan ng rice subsidy ang bawat mahihirap at middle-income households depende sa laki ng pamilya gayundin ay pinadadagdagan ang subsidiya para sa mga magsasaka, mangingisda, livestock raisers at vegetable growers para maibsan ang epekto ng pagtaas pa lalo ng dolyar sa piso.

Facebook Comments