*Cauayan City, Isabela- *Nais umanong matigil ni dating Governor at dating COMELEC Commissioner Grace Padaca ang umano’y nangyayaring korapsyon dito sa buong Lalawigan ng Isabela sa pamumuno ni Governor Faustino “Bojie” Dy III kaya’t ninais nitong tumakbo sa posisyong pagka bise-gobernador ng Isabela sa ilalim naman ni 3rd District Cong. Napoleon Dy.
Ito ang personal na inihayag ni dating gobernador Grace Padaca sa panayam ng RMN Cauayan kung saan kanyang inisa-isa ang umano’y mga korapsyon na nangyayari dito sa ating lalawigan sa pamumuno ni Governor Bojie Dy gaya ng umano’y napakalaking budget na isang bilyong pisong inilaan para sa mga heavy equipment sa ginagawang Ilagan-Divilacan road na sinasabing nakakalat lamang sa buong probinsya ng Isabela.
Pangalawa ay ang pagpapalabas na bumili umano ng mga bigas at relief goods ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na nagkakahalaga ng dalawampu’t limang milyong piso para sa mga biktima ng bagyo na pineke lamang umano ang pirma ng mga social welfare officers upang palabasin na nakatanggap ng tulong ang mga biktima ng umano’y bagyo.
Ayon pa kay Padaca, Napakalaking bagay umano ang kanyang nadiskubreng panloloko’t pangungurap kung saan mismong si Cong. Pol Dy na umano ang nagbigay ng testigo at ebidensya sa Ombudsman hinggil sa pamemeke ng pirma ng mga Social Welfare Officers.
Magugunitang inihayag ni Cong. Pol Dy sa ginanap na Press Conference sa City Of Ilagan kahapon na dapat na umanong matigil ang pagsasamantala ng kanyang kapatid sa pondo ng taong bayan at handa nitong ipakulong ang kanyang kapatid dahil sa korapsyon.