Walang kaugnayan ang pagtakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang senador sa kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC).
Reaksyon ito ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Sec. Karlo Alexi Nograles matapos ulanin ng batikos ang ginawang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ni Pangulong Duterte bilang senador para sa eleksyon 2022.
Ayon kay Nograles nais lamang maipagpatuloy ng pangulo ang kanyang serbisyo publiko.
Naniniwala kasi ang punong ehekutibo na mayroon pa itong maibubuga o magagawa sa bansa kapag nanalo bilang senador sa nalalapit na halalan.
Una na kasing sinabi ng pangulo na nais na nitong magretiro sa pulitika pagkatapos ng kanyang termino.
Naniniwala tuloy ang mga kritiko ng pangulo na ang pagtakbo ni Pangulong Duterte ay upang matakasan nito ang kanyang criminal liabilities sa ICC dahil sa umano’y madugo nitong anti-illegal drug campaign at paglabag umano sa karapatang pantao.