Tinapos na ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies ang pagdinig at pagtalakay sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Matapos ang tatlong hearing ay idineklara ni Committee Chairman Senator Mark Villar na adjourn na ang pagdinig habang itutuloy naman ang pag-aaral sa panukala sa ilalim ng binuong Technical Working Group (TWG).
Sa March 1 uumpisahan ng TWG ang paghimay pa sa sovereign wealth fund.
Sa pagdinig, tiniyak ng National Development Company (NDC) sa committee panel na hindi sila magiging kompetisyon ng Maharlika Investment Corporation (MIC).
Ayon kay NDC General Manager Antonilo Mauricio na mananatili silang investment arm ng gobyerno at magsisilbing complementary o suporta sa sovereign wealth fund oras na maisabatas ang MIF.
Binusisi naman ni Senator Nancy Binay ang magiging komposisyon ng board ng MIC partikular na kung mayroong foreign investor ang maglalagay ng malaking puhunan sa MIF.
Nais ipalagay ni Binay sa Implementing Rules and Regulations na walang sinumang dayuhan ang maaaring maging myembro ng board kahit gaano pa kalaki ang investment nito.
Ayon naman kay Villar, bukas naman ang Department of Finance (DOF) sa anumang adjustment o pagbabago sa board composition ng Maharlika Investment Corp.