Pagtanggap ng Afghan refugees, ibabase sa umiiral na batas ng bansa

Binigyang diin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro na hindi humanitarian considerations ang papairalin kung tatanggap ng Afghan refugees sa bansa.

Ani Teodoro, ang magiging desisyon ng gobyerno ay nakadepende sa batas ng Pilipinas.

Dahil dito, wala pang pinal na desisyon ang pamahalaan kung pagbibigyan ang kahilingan ng Estados Unidos na tanggapin pansamantala sa Pilipinas ang ilang libong Afghan refugees.


Paliwanag ni Teodoro, hinihintay pa ang legal opinion ng Department of Justice (DOJ) kung pinahihintulutan ito ng Immigration laws ng bansa.

Kasabay nito, sinabi ni Teodoro na pinag-aaralan din ng pamahalaan ang lahat ng implikasyon ng pagpasok sa bansa ng libo-libong mga Afghan.

Una nang sinabi ng ilang mambabatas na posibleng malagay sa alanganin ang seguridad ng bansa kapag pinahintulutang makapasok sa Pilipinas ang mga Afghan refugees dahil anila ay maaaring ispiya lamang ito ng Estados Unidos o hindi naman kaya ay maaari itong mahaluan ng mga terorista.

Facebook Comments