Thursday, February 5, 2026

Pagtataas ng garbage fee sa Maynila, idinulog na sa Korte Suprema

Isang petisyon kaugnay sa kontrobersiyal na pagtaaas ng garbage fee sa Lungsod ng Maynila ang inihan sa Korte Suprema ngayong Huwebes.

Batay sa petisyong inihain ng gurong si Barry Tayam, hinihiling niya na maglabas ng temporary restraining order ang Kataas-taasang Hukuman para ihinto ang pagpapatupad ng mas mataas na singil.

Umapela rin ang petitioner na ideklarang null and void o ipawalang bisa ang Manila City Ordinance No. 9151 dahil sa pagiging ilegal at unconstitutional.

Nakasaad din sa petisyon ni Tayam ang hiling na itigil ang pagkolekta ng bagong fees at atasan ang City Treasurer ng Lungsod na i-refund ang mga nakolekta sa ilalim ng bagong ordinansa mula nang umiral ang 2026 business permit renewal period.

Ayon kay Tayam, nagdulot ng banta sa mga nagnenegosyo sa Maynila ang mas mataas na garbage fee at iba pang bayarin na nakakaapekto sa libu-libong establishimenyo.

Nagkaroon umano ng grave abuse of discretion ang LGU dahil sa hindi pagsunod sa mandatory publication requirements at pag-bypass sa tungkulin ng mga barangay pagdating sa waste segregation at pangongolekta.

Mula nang pumasok ang taon, umabot sa mahigit 1,200% ang itinaas ng singil sa garbage fee sa lungsod na ikinagulat ng mga negosyanteng nagpa-renew ng kanilang permit.

Nauna nang ipinaliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno na kinakailangan nila ang pagtataas ng singil dahil sa pagmahal ng bayarin sa koleksyon ng basura.

Facebook Comments