Pagtataas ng singil sa passport at consular services sa European Union sa gitna ng krisis, pinapaimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara na imbestigahan ang sobra-sobrang pagtaas ng singil sa pagkuha ng passport at iba pang serbisyo ng konsulado ng Pilipinas sa European Union o EU.

Binanggit ng Makabayan bloc sa inihaing House Resolution 524 na layunin ng pagdinig na pagpaliwanagin ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa halos P700 na increase sa passport processing sa Eurozone.

Giit ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, hindi dapat gawing gatasan ang hirap nating mga kababayan sa ibayong dagat para makalikom ang gobyerno ng karagdagang kita.


Sa pagdinig ng House Committee on Foreign Affairs ngayong Martes kaugnay sa panukalang New Philippine Passport Act ay sinabi naman ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro na nakakadismayang isinabay pa ito sa pagmahal ng bilihin.

Paliwanag naman ni Foreign Affairs Undersecretary Antonio Morales, ang passport fee sa mga Philippine Consular Office sa ibang bansa ay nakabatay sa halaga ng dolyar.

Facebook Comments