Pagtatag ng isang National Anti-Agricultural Smuggling Council, isinulong sa Kamara

Inihain ni AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones ang House Bill 6975 o panukalang pagtatag ng isang National Anti-Agricultural Smuggling Council na pangungunahan ng Office of the President.

Target ng panukala na amyendahan ang Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 upang mapalakas ang pagtugon sa talamak na problema ng smuggling, hoarding, profiteering at cartel ng mga produktong agrikultural sa ating bansa.

Kasama sa kapangyarihan at tungkulin ng council ang paglalatag at pagpapatupad ng angkop at epektibong paraan para matuldukan ang mga pagpupuslit, cartel at katulad.


Mandato rin ng council ang pag-uutos ng anti-agricultural economic sabotage intelligence operations at pabantayan sa Anti-Agricultural Smuggling Task Force ang mga aktibidad ng mga grupo, indibidwal o kompanya/negosyo na sangkot sa smuggling at iba pang pang-aabuso sa merkado.

Inaatasan din ng panukala ang council na mag-imbestiga; mag-isyu ng alert orders, search warrant, warrant to seizure, at mang-aresto.

Kabilang sa mga miyembro nito ay mula sa Presidential Security Group na itatalaga ng pangulo, DA Assistant Sec. for Inspectorate and Enforcement, kinatawan mula sa Bureau of Customs at iba’t ibang sektor tulad ng magsasaka, magma-manok; mangingisda; egg producers at iba pa.

Magkakaroon din ng kinatawan sa council ang Samahang Industriya ng Agrikultura at Agricultural Sector Alliance of the Philippines.

Facebook Comments