Cauayan City,Isabela- Binigyang linaw ng pamunuan ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City ang ginawang pagkumpiska sa ilang sasakyan na nakahambalang sa sidewalk sa bahagi ng Rizal Ave. Brgy. District 1.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, nananatili pa rin ang hakbang na linisin ang kalsada mula sa mga sasakyang nakaparada sa mga sidewalk na bahagi pa rin ng road clearing ng pamahalaan.
Aniya, ang kanilang aksyon ay para na rin masigurong maiiwasan na maging ugat ng matinding trapiko ang lansangan lalo na’t papalapit ang kapaskuhan.
Paalala ng opisyal sa mga drayber ng pampasaherong traysikel na gawin ang ‘Pick and Go’ scheme na pagkuha at pagbaba ng mga pasahero at hindi ang gawin na paradahan ang mga gilid ng daan na sanhi ng kaliwa’t kanang trapiko sa kalsada.
Bukod dito, kinokonsidera naman ng kanilang tanggapan ang ilang sitwasyon gaya ng kung mayroong bibilhing basic necessities tulad ng mga gamot o pagkain na hindi magtatagal na pumarada sa sidewalk.
Samantala, nilinaw din ni Mallillin ang makikitang signage sa kalsada na guhit na kulay blue at nakaimprentang bicycle lane ay ginawa para sa mga siklista pero giit niya na hindi naman bawat minuto ay nananatili ang mga siklista sa inilaang bike lane.
Nagpaalala naman ito sa mga motorista na sundin ang umiiral na number coding scheme sa lungsod sa ilalim ng Alert level 2 system (TThS ending in even number: 2,4,6,8, 0/ MWF:1,3,5,7,9/ Sun: no number coding).
Binigyang diin rin niya na wala pang pinal na kautusan tungkol sa pagsakay ng dalawang pasahero sa pampasadang traysikel gayunman naghihintay pa rin ng ibababang order mula sa tanggapan ng alkalde.