Cauayan City, Isabela- Tinawag na ‘peke’ ni Presidential Communications Operations Office Undersecretary Lorraine Badoy ang ginagawang pagtatanggol ni Eufemia “Ka Femia” Cullamat sa sinasabing karapatan ng mga katutubo. <pcoo.gov.ph/>
Ito ay makaraang mapatay ang kanyang anak na si Jevilyn Cullamat, 22, at sinasabing miyembro ng SYP Platoon, isang guerilla force na pinangungunahan ng isang Ka Coby o Marion Himo, Jr. Meliza Maluntag sa isang engkwentro kahapon sa Surigao Del Sur.
Ayon kay Usec. Badoy, hindi man lang nagawang kondenahin ni Cullamat ang maling gawain ng mga rebeldeng grupo kahit minsan.
Hindi pa rin aniya kinakailangang magdiwang dahil sa napatay ang anak ni Cullamat pero patuloy naman ang kampanya ng pamahalaan para wakasan ang insurhensiya sa bansa at magkaroon ng payapang pamumuhay ang mga tao.
Giit pa ni Badoy, kontrolado ni CPP-NPA-NDF Chairman Joma Sison ang ilang kongresista na kumakatawan sa Makabayan Bloc na patuloy na humaharang sa progreso ng isang ordinaryong indibidwal.
Samantala, naniniwala si Badoy na posibleng posible na ang pagwawakas ng insurhensiya sa bansa sa kabila ng kaliwa’t kanang pagkasira ng sinasabing dating balwarte ng mga rebeldeng grupo.
Kinakailangan pa rin na makipagtulungan ang pamayanan upang tuluyan ng mawakasan ang banta ng insurhensiya sa bansa at magkaroon ng payapang buhay ang publiko partikular sa mga liblib na lugar.
Una nang kinondena ni Bayanmuna Rep. Cullamat ang umano’y pambabastos at pambababoy sa mga labi ng kanyang bunsong anak na nasawi sa isang engkuwentro sa pagitan ng mga armadong grupo at mga miyembro ng Philippine Army sa Surigao del Sur.
Hinimok naman ni Badoy ang mga magulang na sama-samang huwag mahikayat ng NPA ang mga miyembro ng pamilya para lamang maghasik ng karahasan sa bansa.