Pagtatayo ng airconditioned cooling centers at hydration stations, ipinag-utos ng DOH bilang pangontra sa matinding init

Naglabas ng updated na guidelines ang Department of Health (DOH) laban sa matinding epekto ng init sa kalusugan.

Batay sa DOH Department Memorandum, layon nitong labanan ang epekto ng matinding init lalo na’t inaasahang tataas pa ang heat index sa mga susunod na araw.

Kabilang sa hakbang na ipinag-utos ni Health Secretary Ted Herbosa sa lahat ng DOH unit ang paglalagay ng cooling centers at hydration stations.


Ang naturang cooling centers ay air conditioned o maayos ang daluyan ng hangin at ilalagay malapit sa mga ruta ng pampublikong transportasyon na madaling puntahan kahit ng mga matatanda, bata, buntis at may kapansanan.

Magtatatag din ng hydration stations sa DOH facilities para naman may access ang publiko sa malinis na inuming tubig lalo na sa katirikan ng araw mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon.

Muli namang pinayuhan ni Sec. Herbosa ang publiko na magsuot ng komportableng damit at iwasang magbilad sa araw.

Facebook Comments