
CAUAYAN CITY- Nagsimula na ang konstruksyon ng road concreting sa malubak at mabatong bahagi ng Potia-Namnama-Halag-Nattum-Nattum road sa Brgy. Namnama, Alfonso Lista, Ifugao.
Sa unang bahagi ng proyekto, tatlong kilometro mula sa kabuuang tatlumput’ dalawang (32) kilometro ang pinondohan ng inisyal na P100 milyon.
Bukod sa pagsesemento ng daan, may kasama rin itong slope protection, drainages, at solar lights upang mapanatili ang tibay at kaligtasan ng kalsada.
Dahil dito, mas mapapadali ang pagbiyahe ng mga agrikultural na produkto mula sa barangay patungo sa bayan, na makakatulong sa kabuhayan ng mga residente.
Ayon kay Ifugao Congressman Solomon Chungalao, na siyang nanguna sa inisyatiba ng proyekto, mahalaga ang pakikiisa ng publiko, lalo na ng mga taga-Brgy. Namnama, upang matiyak ang mabilis at maayos na konstruksyon ng daan sa tulong ng DPWH.