Iginiit ni Senador Win Gatchalian sa bawat Local Government Unit o LGUs ang pagpapatayo ng pansamantalang mga pagamutan at isolation facilities upang ibukod at matulungang gumaling ang mga pasyenteng may mild symptoms ng COVID-19.
Upang mapigilan ang lalong pagkalat ng Coronavirus sa bansa, ay iminungkahi ni Gatchalian na itayo ang mga pasilidad na ito sa mga maluluwag, malilinis at maaliwalas na espasyo tulad ng mga gymnasium, paaralan, mga dormitoryo, at mga hotel.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang pagkakaroon ng mga centralized isolation facilities ng Valenzuela na matatagpuan sa Balai Banyuhay at Valenzuela Astrodome, kung saan naglagay ng mga modular tents at higaan para sa mga pasyente.
Nagbabala si Gatchalian na hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng mga ospital sa bansa upang tugunan ang pag-akyat ng mga kaso ng Coronavirus dito.
Kaugnay nito ay pinapakilos ni Gatchalian ang Department of Interior and Local Government o DILG na siguruhing ang bawat Barangay ay may Barangay Isolation Units at Barangay Health Emergency Response Teams.