Manila, Philippines – Isinusulong ni Leyte Representative Martin Romualdez ang pagtatayo ng mini dams para masolusyunan ang problema sa suplay ng tubig.
Ayon kay Romualdez, isasakatuparan ito sa ilalim ng isinusulong na Department of Water na tututok sa pagtatatag ng malinis na water supply mula sa iba’t-ibang pagkukunan nito tulad ng tubig ulan na mula naman sa mini dams.
Iginiit nito na sayang ang mahigit 900 hanggang 4,000 millimeters na tubig-ulan na bumubuhos sa Pilipinas kada taon kaya panahon na para pag-aralan ang rainwater harvesting na pagkukunan ng inuming tubig para sa mga lungsod at bayan.
Base naman sa panukala ni Bulacan Representative Gavini Pancho, iipunin ng local catchment ang tubig-ulan para magamit na suplay ng inuming tubig, pang-agrikultura, commercial at sa industrial sector.
Hindi lamang aniya magiging sapat ang suplay ng tubig kundi matutugunan pa ang problema sa pagbaha lalo na sa Bulacan at Metro Manila.
Paliwanag ni Pancho, hindi gaanong gagastos ang gobyerno para sa proyekto dahil mayroon nang umiiral na imprastraktura na isasailalim sa levelling at pagpapalalim ng riverbed.