Isinulong ni Senator Francis Tolentino na matulungan ang mga pampublikong guro na nahihirapan sa kanilang pagbiyahe dahil sa malayong lokasyon ng pinapasukang eskwelahan kaya sila ay napipilitang matulog sa mga classrooms.
Ang panukalang pagtatayo ng free onsite living quarters para sa mga public school teacher na naka-assign sa mga liblib na lugar ay tinalakay sa pagdinig ng Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement na pinamumunuan ni Tolentino.
Binanggit ni Tolentino na may mga naitayo ng pabahay sa Quezon City at Antipolo, Rizal pero dahil malayo ay hindi rin nakatugon sa problema sa matitirhan ng mga guro.
Sa pagdinig, ay iminungkahi naman ni Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo Del Rosario na sa loob na lang ng school campus itayo ang housing facilities para sa mga guro at ito ay dapat ipaloob na rin sa pondo ng Department of Education (DepEd).
Sinuportahan naman ito ni Department of Education Undersecretary Tonisito Umali basta walang magiging problema sa buildable space dahil baka raw ang espasyo sa mga paaralan ay mas kailangang tayuan ng mga silid-aralan.
Suhestyon naman ng National Housing Authority (NHA), sa halip na magpatayo ng living quarters ay baka mas mainam na housing subsidy na lang ang ibigay sa mga guro na magagamit nila sa pagrenta ng bahay na malapit sa eskwelahan kung saan sila nagtuturo.