Pagtaya ng inflation ngayong taon, inaasahang babagal – BSP

Manila, Philippines – Bahagyang bumaba ang inflation forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa taong 2019.

Bumaba ito sa 3.1% mula sa 3.2% kasunod ng paghupa ng presyo ng krudo sa world market.

Nanatili namang nasa 3% ang inflation projection sa 2020 na pasok pa rin sa target ng gobyerno.


Ayon kay BSP Deputy Governor Diwa Gunigundo – patuloy din ang naitatalang pagbagal ng inflation partikular na noong Enero kung saan naitala ang 4.4 percent mula sa 5.1 percent noong Disyembre.

Nakikita rin ng BSP na hindi sisipa ang inflation ngayong taon dahil sa banta ng El Ñino o dry spell.

Tiniyak na kasi ng National Food Authority (NFA) na magiging sapat ang supply ng bigas na siyang pipigil sa pagtaas ng presyo nito.

Nasa 174 non-government organizations (NGO) at grupo ng mga magsasaka ang nag-apply na para sa pag-aangkat ng 1.2 million metric tons ng bigas.

Sa pagtaya ng PAGASA, nasa 65% ang posibilidad na mangyari maranasan ng bansa ang El Niño sa pagitan ng Marso at Mayo.

Facebook Comments