Manila, Philippines – Kinalampag nila ACT Teachers PL Rep. Antonio Tinio at France Castro si Pangulong Duterte na itigil ang pagpapatupad ng balak na pagpapataw ng bagong buwis at sa halip ay itaas ang sahod ng mga ordinaryong empleyado.
Ang panawagan ng mga kongresista ay kasabay ng paggunita ng Labor Day sa Lunes.
Giit nila Tinio at Castro ang umento sa sahod ang pangunahing tugon na nais matanggap ng publiko mula sa gobyerno kaakibat ang ilan pang isyung pang-ekonomiya tulad ng pagpigil sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin at dagdag na trabaho.
Dapat na anilang itaas ang sahod sa P750 kada araw para sa mga empleyado ng pribadong sektor at P16,000 a month para sa mga empleyado ng gobyerno.
Dismayado ang mga mambabatas na hindi kasama sa Philippine Development Plan sa 2017-2022 ang dagdag na sweldo para sa mga manggagawa at sa halip ay puro productivity incentives bill sa private sector ang nakapaloob dito.
Hinamon ng mga kongresista ang Pangulo na ipabasura ang panukala na mas pakikinabangan ng mga kumpanya tulad ng two-tiered wage system at mga insentibo tulad ng performance-based bonus, results-based performance management system at iba dahil ang mas kailangan ng mga manggagawa ay permanenteng pagtaas ng sahod.
Ipinarerekunsidera din ng mga kongresista sa Presidente ang balak na dagdag excise tax sa langis at pagpapalawig sa sakop ng value-added tax o VAT.