Ipinanawagan ng “Power Bloc” sa Kamara ang kahalagahan ng pagkakaroon ng resilient at independent power industry ngayong may COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na maging ang Korte Suprema ay maingat sa pagtiyak sa stable at secure na enerhiya sa bansa kasunod ng pagtukoy sa Malampaya na makakatulong sa ekonomiya at maaaring maging long-time partner tungo sa energy efficiency at security.
Pinatitiyak ni PHILRECA Partylist Representative Presley De Jesus ang tuluy-tuloy na operasyon ng Malampaya lalo’t napakaimportante nito ngayong may krisis sa kalusugan.
Tinatayang 30% ng power requirements sa Luzon ay nakadepende sa natural gas mula sa Malampaya at ito rin aniya ang isa sa pinagkukunan ng pondo ng gobyerno para tugunan ang COVID-19.
Ipinunto naman ni Apec Partylist Rep. Sergio Dagooc na kailangang palakasin ang energy security dahil ngayong pandemya ay hindi na reliable na dumipende ang bansa sa foreign fuel sources.
Ibinabala naman ni Ako Padayon Partylist Representative Adriano Ebcas na kailangang aksyunan na ng pamahalaan ang energy issues at pagtaas ng demand sa kuryente dahil ang madalas naman na power shortages ay mauuwi sa mataas na singil sa kuryente.
Sa kasalukuyan ay may nakabinbin na kaso ang Malampaya sa Supreme Court at kumpyansa ang mga kongresista na dedesisyunan ito ng korte na naaayon sa pagsiguro ng matatag na lagay ng energy sa bansa, national security at pangkalahatang kalusugan.