Bukod kina Senate President Tito Sotto III, Minority Leader Franklin Drilon ay napahayag na rin ng pagtutol ang ilang senador sa panukalang palawigin sa dalawang taon ang kasalukuyang anim na buwan na probationary period bago maregular sa trabaho.
Giit ni Senator Imee Marcos, labis itong pagpapahirap sa manggagawa dahil ang probation o trial period bago maregular ang baguhang manggagawa ay dapat tatlo hanggang anim na buwan lamang.
Paliwanag naman ni Senator Sonny Angara, magiging makatwiran lang ang mas mahabang probation period sa mga careers o propesyon na nangangailangan ng mas matinding skills at training.
Diin naman ni Senator Joel Villanueva, mahigpit na test at mga interview ang pinagdadaanan ng mga aplikante para madetermina kung akma sila sa bakanteng trabaho.
Sabi ni Villanueva, sapat na ang kasalukuyang anim na buwan na probationary period para masukat ng mga employers kung taglay ba ng mga baguhang empleyado ang skills at requriement ng trabaho na kanilang pinasukan.