
Iginiit ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na walang mangyayaring “white washing” sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng komisyon hinggil sa flood control scandal.
Ayon kay ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka, wala silang sisinuhin na mga sangkot sa isyu ng maanomalyang proyekto ng flood control.
Aniya, mandato ng komisyon na hanapin ang katotohanan sa mga katiwalian sa flood control projects kasunod nang masusing pagsusuri sa mga ebidensya at testimonya na kanilang natatanggap.
Dagdag pa ni Atty. Hosaka, nakaalerto rin ang ICI sa posibleng pag-mislead sa komisyon sa ginagawa nitong imbestigasyon sa flood control anomaly.
Tinatrabaho na rin umano ng ICI ang susunod nilang recommendation sa Ombudsman pero walang patid ang paghahanda at pag-aaral ng komisyon.
Samantala, ngayong araw ay ipinagpaliban ang hearing ng isa rin sa umano’y sangkot sa flood control anomaly na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.
Humiling ang dating DPWH official ng karagdagang panahon para mapaghandaan ang mga testimonya nito at isasagawa ang pagdinig sa darating na October 15, 2025.









