Cauayan City, Isabela- Mariing kinontra ng kasundaluhan ang naging pahayag ng Reynaldo Piñon Command (RPC) sa nangyaring engkwentro kamakailan sa pagitan ng bayan ng Benito Soliven at Lungsod ng Cauayan.
Batay sa pahayag ng NPA-RPC sa pamamagitan ng kanilang tagapagpahayag na si Vic Balligi, walang naganap na labanan sa pagitan ng NPA at tropa ng 95th Infantry Battalion noong gabi ng ika-25 ng Nobyembre sa pagitan ng dalawang nabanggit na lugar kundi mismong mga tropa aniya ng kasundaluhan ang nagkasagupaan.
Sinabi pa ng NPA-RPC na ang pagpapalabas ng ‘fakenews’ ay desperasyon ng 502 nd Infantry Brigade sa kabiguang durugin ang NPA sa Isabela.
Sa panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan sa programang Sentro Serbisyo kay Staff Sergeant Clifford Soriano ng 95th Infantry Battalion, nilinaw niya na hindi RPC ang naka-engkwentro ng 95th IB kundi ang mga grupo ng Regional Sentro de Gravidad (RSDG) na gumagalaw sa Isabela.
Pinatotohanan aniya mismo ito ng isang dating kasapi ng NPA na base sa mga armas na narekober ng militar sa pinangyarihan ng labanan ay pagmamay-ari ang mga ito ng mga opisyal ng RSDG.
Dagdag pa ni SSg Soriano, ang NPA aniya ang desperado dahil sa kanilang ginagawang pananakot at paghahasik ng gulo.
Ayon naman kay Staff Sergeant Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade, pawang mga kasinungalingan ang mga sinasabi ng tagapagpahayag ng NPA-RPC at pilit lamang na pinapalakas ang grupo ng NPA.