Ipinaliwanag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ni Lt. Gen. Gilbert Gapay na nais nyang ma-“regulate” ang paggamit ng social media para hindi mapakinabangan ng mga terorista sa kanilang mga aktibidad.
Ito ay may kaugnayan sa binubuong Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Anti-Terrorism law.
Ayon kay Lorenzana, ang tinutukoy na social media ni Gapay na dapat malimitihan ay ang “dark net” kung saan namamayagpag ang mga iligal na transaksyon sa internet.
Pero sinabi ng kalihim na malabong ma-regulate ito dahil ang operasyon ng “dark net” ay “underground”.
Samantala, sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sinabi ni AFP Spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo na patuloy na itataguyod ng AFP ang kalayaan sa pamamahayag sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism law.
Nilinaw ni Arevalo na ang komento ng AFP Chief ay batay sa kanilang karanasan at ng ibang pang mga bansa kung saan nagagamit ng mga terorista ang social media para makapag-recruit at makalikom ng pondo.
Nais lamang daw ni AFP Chief na hindi na maulit pa ang mga malagim na karanasan ng mga Pilipino lalo na sa Mindanao dahil sa terorismo.
Giit pa ni Arevalo, ang posisyong ito ng AFP Chief, ay isa lang sa mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng input sa pagbuo ng IRR para sa Anti-Terrorism Law.