
Pinapa-imbestigahan ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pagpatay ng 15 mga senador para maka-upo ang kanilang mga kandidato.
Ayon kay Adiong dapat silipin ng NBI ang pahayag ng dating pangulo katulad ng pagsisiyasat sa pagbabanta ng anak nitong si Vice President Sara Duterte kina Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Katwiran ni Adiong, sa isang demokratikong lipunan ay may kapangyarihan ang salita lalo na kung galing ito sa dating pinakamataas na lider ng bansa.
Diin pa ni Adiong, hindi dapat balewalain ang mga ganitong pahayag ni dating Pangulong Duterte lalo na’t may mga pagkakataong isinagawa ng mga tagasuporta nito ang kaniyang mga sinabi.
Ipinunto ni Adiong na kung ang bomb joke ay bawal sa batas at may kaakibat na kaparusahan ay mas lalong hindi dapat palampasin ang bantang magpapatay ng 15 mga senador.