Manila, Philippines – Binatikos ng ilang senador ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isyu ng mga Chinese na ilegal na nagtatrabaho sa bansa.
Una na kasing sinabi ng Pangulo na dapat maghinay-hinay sa pagpapa-deport ng mga manggagawang Chinese sa Pilipinas lalo at marami ring Pinoy ang nagtatrabaho sa China.
Giit ni Senador Joel Villanueva, mahalaga ang pagpapatupad ng sariling batas ng bansa para maprotektahan ang mga manggagawa rito, mapa-Pinoy man o banyaga.
Dapat din aniyang tulungan na lang ng gobyerno ang mga Pinoy na ilegal na nagtatrabaho sa ibang bansa na maging legal.
Para naman kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, sundin dapat ang batas at dapat walang kikilingan.
Kung ilegal na nagtatrabaho sa Pilipinas, i-deport raw agad para hindi maagawan ng trabaho ang mga Pinoy.
Sang-ayon din si Senate President Tito Sotto na basta labag sa batas ay bawal.
Sabi naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan, hindi dapat matakot ang administrasyon sa Tsina gayong maraming Chinese ang ilegal na nagtatrabaho sa bansa.
Sa datos ng Bureau of Immigration (BI), sa 611 illegal aliens na na-deport noong 2018, 284 dito ay mga Chinese.
Sa higit 533 naarestong illegal aliens naman noong 2018, 393 rito ay Chinese.