Pahayag ni Secretary Duque na nangyayari na ang flattening the curve sa kaso ng COVID-19 sa bansa, pinuna ng mga senador

Iginiit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kay Health Secretary Francisco Duque na umaksyon upang mapigil ang pagkalat ng virus at huwag magbulag-bulagan at mag-imagine na nangyayari na ang flattening the curve o pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Komento ni Zubiri, paano nasabi ni Duque ang flattening the curve kung noong Abril ay nasa mahigit 200 ang nadadagdag na kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw, na ngayon ay pumapalo na sa mahigit isang libo.

Dagdag pa ni Zubiri, malapit na ring manguna ang Pilipinas sa buong South East Asia sa may pinakaraming kaso ng COVID-19.


Giit ni Zubiri, ang napa-flat lang ngayon ay ang likod ng mga kaawa-awang COVID-19 patients na siksikan na sa mga ospital habang patuloy na lumalaban para mabuhay.

Hirap din si Senator Sonny Angara na paniwalaan ang sinabi ni Duque lalo’t napupuno na ang COVID wards sa mga ospital.

Ayon kay Angara, bagama’t bumababa ang bilang ng nasasawi sa virus ay patuloy namang tumataas ang bilang ng nahahawaan nito.

Ipinunto din ni Angara, ang sinabi ng World Health Organization (WHO) na mahirap itong hanapan ng tunay na solusyon kung hindi natin kikilalanin o tatanggapin ang tunay na sitwasyon.

Facebook Comments