Plano ni Vice President Leni Robredo na gamitin ang mga obrang iniregalo sa kaniya noong campaign period para makalikom ng pondo sa “Angat Buhay” non-government organization (NGO).
Sa huling episode ng Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na idodonate niya ang mga natanggap na paintings at ididisplay sa gagawing exhibit at fundraising event.
Sa pamamagitan aniya nito, makakalikom sila ng pondo para sa mga gagawing aktibidad ng angat buhay ngo na ilulunsad sa July 1 at 2.
Ayon kay Robredo, nasa mahigit 900 ang natanggap niyang paintings noong panahon ng kampanya mula sa mga taga-suporta.
Kasunod nito, tiniyak naman ni Robredo na magagamit nang tama ang pondong malilikom.
Magkakaroon ng online registration para sa mga nais dumalo sa exhibit.