Pakete ng Shabu sa Loob ng BJMP Cauayan City, Nasamsam Matapos ang Oplan Greyhound!

Cauayan City, Isabela – Nasamsam kagabi sa loob mismo ng BJMP Cauayan City ang isang pakete ng hinihinalang shabu matapos isinagawa ang paghalughog sa lahat ng selda.

Sinaksihan mismo ni Radyoman John Soriano ang isinagawang oplan greyhound na ikinasa ng pinagsanib pwersa ng PNP Cauayan City, PNP Luna, Isabela Police Provincial Office o IPPO, Provincial Intelligence, PDEA Southern Isabela at PDEA-K9 Unit sa pangunguna ni IPPO Director Police Senior Superintendent Mariano Rodriguez.

Nakuha ang pakete ng shabu sa pasilyo ng isang selda na nakabalot ng punit na tela kung saan ay hindi pa matukoy kung sino ang suspek o isa sa mga bilanggo ng nasabing kulungan.


Nasa pag-iingat na ng Cauayan City Police Station ang nakumpiskang shabu at nakatakdang dalhin sa Crime Laboratory Office.

Tikom naman ang bibig  ng pamunuan ng BJMP Cauayan City na si Jail Chief Inspector Atty. Romeo Villiante.

Samantala nanlumo ang lahat ng bilanggo sa nasabing kulungan kung kaya’t kanilang iminungkahi na isagawa ang drug test upang malaman kung sino ang gumagamit ng shabu sa loob ng kulungan.

Matatandaan na tatlong araw nang naipaabot ng isa umanong impormante sa PNP Luna ang umano’y illegal na gawain sa loob ng BJMP Cauayan City.




Facebook Comments