Pakiusap ng doktor sa mga pasyente: Umamin sa totoong travel o medical history

Courtesy Gino Natividad

Sa pamamagitan ng social media, inilabas ng isang doktor ang kaniyang saloobin hinggil sa mga pasyenteng nagsisinungaling kaugnay sa totoong travel history nila o exposure sa mga tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19).

Kuwento ni Gino Natividad, ito ang unang beses na nangamba siya sa seguridad ng mga mahal niya buhay.

Ayaw niya munang yakapin at halikan ang mga naghihintay na anak matapos magkaroon ng “risk of exposure” sa kinatatakutang virus.


“Hindi ko alam kung puwede ba ung ginagawa ko na I still play with them na nakamask naman. Tapos yung alcohol ko hindi ko alam kung hanggang kelan tatagal kasi may naghoarding. Yung mask limited na lang din. Hindi naman pwede huminto kasi kelangan manindigan,” sabi ni Natividad sa Facebook post.

Kailangan din pumasok ng manggagamot dahil kawawa raw ang mga kasamahang nagse-serbisyo sa ospital.

Kaya naman dismayado si Natividad sa mga nagpapasuring hindi umaamin sa totoong kalagayan nila.

“Naeexpose ung staff. Inuubos niyo ung healthcare worker sa pagiging sinungaling niyo. Nakakainis. Maayos kaming nagtatanong ng history tapos may iba pa dyan sisigawan ka pa.”

Sa huling datos ng Department of Health, umakyat na sa 200 ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 12 na ang pumanaw.

Bumuhos naman ng iba’t-ibang reaksyon mula sa netizens ang kuwento ni Natividad, na mayroon nang 100,000 reactions online.

Facebook Comments