Palaboy, patay nang mahulog sa riles ng MRT-3

(Photo from: DOTr MRT-3 Facebook)

Nasawi ang isang palaboy nang mahulog sa riles ng tren nitong Martes na naging dahilan ng pagkaantala ng Metro Rail Transit (MRT) 3, sa pagitan ng Ayala at Buendia stations.

Ayon sa pahayag ni Engineer Michael Capati, director for operations ng MRT, nakita na ng mga guwardya ang lalaki sa itaas ng pader at pinakiusapan pa nila umano ito ngunit sumayaw-sayaw lang daw ang biktima.

Dito sila naghinalang may diperensya sa pag-iisip ang naturang palaboy.


“Nung lumapit yung mga security natin, bigla siyang tumalon at nahulog siya doon sa tracks natin doon sa may southbound. Sa hindi inaasang pagkakataon, namatay yung taong grasa,” sabi ni Capati.

Nakatulong raw ang kanilang ‘foot patrol’ at karagdagang security personnel na agad nakakita sa biktima.

Layon ng mga ito na bantayan ang kahabaan ng riles ng tren.

“Lahat po yan, ng personnel natin, ay nag-undergo ng various training. Yung ating risk management ay kasama po yan,” dagdag nito.

Naglagay na rin daw sila ng mga harang at wires sa paligid ng establisyemento para maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente.

Samantala, giit ni Capati, hindi nila agad nagalaw ang katawan ng biktima dahil kinakailangan pa raw itong dumaan sa imbestigasyon.

Humingi ng tulong ang MRT 3 sa publiko na agad mag-report sa mga opisyal ng tren kung mayroong makitang pumapasok sa nakasarang besindad at delikadong parte ng tren.

Gumagawa naman raw sila ng para maiwasan ang mga ganitong insidente.

Facebook Comments