“In good faith” ang ginawang pagpapabakuna kamakailan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya.
Ito ay kahit na hindi pa dapat maturukan ng Sinovac si Malaya dahil ang mga dumating na bakuna ay laan lamang muna sa mga medical health workers dahil sa limitadong suplay.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hindi kasi agad na-disseminate ang desisyon ng Interim National Immunization Technical Advisory Group (iNITAG) na wag munang isama sa mga mababakunahan ang nasa 50 influencers kasama ang ilang taong gobyerno na layunin sanang maitaas ang kumpyansa ng publiko sa bakuna.
Paliwanag ni Roque, hangarin lamang ni Malaya na maitaas ang vaccine confidence.
Habang si Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan naman aniya ay isang doktor na kabilang sa medical health worker.
Sinabi pa ni Roque na muntik na nga rin syang magpabakuna pero nagkataon lamang na naubos na noon ang suplay sa UP- PGH.
Tanging exempted lamang o mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na dapat nang mabakunahan sina Food and Drug Administration Director Eric Domingo, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos, NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., at NTF Deputy Chief Implementer at Testing Czar Sec. Vince Dizon.