Palasyo, hindi hahayaang makapag-imbestiga sa bansa ang ICC at UN ukol sa war on drugs

Hindi hahayaan ng Malacañan na makapag-imbestiga sa bansa ang International Criminal Court (ICC) at United Nations (UN) kaugnay ng war on drugs.

Ito ay sa kabila ng planong pakikipagtulungan ni Vice President Leni Robredo sa UN bilang bagong talagang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo – ang papayagan lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ay mga may objective at ‘open-minded’ sa problema sa iligal na droga.


Hindi aniya gaya ng ICC at UN na buo na ang konklusyon na may Extra Judicial Killings (EJK) sa bansa kahit hindi pa nakakapunta sa Pilipinas.

Matatandaang nahaharap sa reklamong crimes against humanity ang Pangulo sa ICC dahil sa umano’y madugong drug war.

Pinasalamatan naman ni Foreign Affairs Secretary Teodore Locsin Jr. si Robredo matapos ang pakikipag-usap nito sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) na aniya’y mapagkakatiwalaan ng bansa dahil pinamumunuan ito ng isang Russian.

Facebook Comments