Palasyo, hindi susundin ang rekomendasyon ng OCTA Research group na magpatupad ng circuit breaking measure

Hindi pa napapanahon upang magpatupad muli ng lockdown sa Metro Manila.

Ito ang reaksyon ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque sa rekomendasyon ng OCTA Research group na magpatupad ng 2 linggong lockdown bilang circuit breaking measure, anticipatory at preventive measure lalo na’t nakakaranas na ulit ngayon ng surge ng COVID-19 ang Metro Manila at ilang lugar sa bansa bunsod ng Delta variant.

Ayon kay Roque, madaming eksperto ang nagbibigay ng advice sa IATF at sa ngayon hindi pa ito inirerekomenda.


Sinabi pa ng kalihim na binabalanse ng pamahalaan ang kabuuang sitwasyon dahil ang mithiin nito ay total health kung saan habang sinusunod ng lahat ang health & safety protocols ay nakabukas ang ekonomiya dahilan upang mabawasan ang mga nagugutom.

Kasunod nito, iginiit ni Roque na wine-welcome nila ang suhestyon ng OCTA Research group.

Tiniyak pa nito na ipinatutupad nila ang whole of nation approach nang sa ganon ay mabawasan ang hanay ng mga nagugutom.

Kanina, iminungkahi ng OCTA na magpatupad ng hard pro-active measures ang pamahalaan dahil sa surge na nararanasan dulot ng Delta variant kaysa magsisi sa bandang huli kung kailan hindi na kayang tugunan ng ating health care system ang mga tinatamaan ng virus at marami na ang nasasawi.

Facebook Comments