Palasyo, hindi tutol sa hirit ng mga LGU na palawigin pa ang pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng 2 linggong ECQ

Walang nakikitang problema ang Malakanyang sa apela ng mga lokal na pamahalaan na palawigin pa ng dalawang linggo ang pamamahagi nila ng ayuda.

Ang nasabing assistance ay mula sa national government para sa mga naapektuhan ng 2 linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region Plus areas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, naiintindihan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong pandemyang kinakaharap ang bansa at kailangang maiwasan ang pagtitipon-tipon o mass gathering.


Ang tanging nais lamang aniya ng pangulo ay maipaabot sa mga nangangailangan nating mga kababayan ang ayuda sa pinakamabilis na panahon.

Una nang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos na susulat sila sa Department of the Interior and Local Government kaugnay sa apela na ito ng mga LGUs.

Ani Abalos, kung bibilisan ang pamamahagi ng ECQ assistance, upang makahabol sa itinakdang 15-day period, posibleng dumagsa at magkumpulan ang mga tao.

Kung magbabahay-bahay naman aniya ay gugugol ito ng mas mahabang panahon.

Facebook Comments